Tulungan Mo Akong Kalimutan Ka
By:emjozar
Tulungan mo akong kalimutan ka,
Para makaya ko maging masaya mag-isa.
Tulungan mo akong kalimutan ka,
Para maibsan ang bigat na aking dala.
Hawakan mo ang mga kamay ko,
At sabihin sa aking kaibigan lang ako.
Tingnan mo ang mga mata ko,
At iwasan mo makita ang luha ko.
Ipakilala mo sa akin ang mga taong gusto mo,
Gawin mo ang pag-amin sa taong mahal mo sa harap ko,
Unti-unti mong durugin ang nag-iisa kong puso,
Hanggang sa magmaliw ang nararamdaman nito.
Isama mo ako sa mga lugar na gusto mong puntahan,
Isama mo ako sa lugar na ako'y mas masasaktan,
Isama mo ako't gawing parang laruan,
Hanggang sa dumating ang puntong ika'y makalimutan.
Itulak mo akong magmahal ng iba,
At sabihin mo sa aking gusto mo lang akong maging masaya,
Pagkatapos ay sabihin mong "mahal kita",
At biglang bawiin sa salitang hindi ka sigurado pa.
Tulungan mo akong kalimutan ka,
Isang bagay na hiling dahil mahal pa rin kita,
Ang taon na ito'y maglalaho na,
Bakit ngayo'y nandito pa din ang iyong mga alaala.
No comments:
Post a Comment